Indonesia

Indonesia
BATU, Indonesia. Photo by Jes Aznar

Wednesday, May 9, 2007

saan na ba makakabili ng yosi sa U.P.?

May mga gabi, kapag dinadalaw ako ng lungkot, umiikot ako sa UP. Malamig ang hangin kanina nang magmaneho ako sa campus. Tila sumama sa ihip ng sariwang hangin ang lungkot ng damdamin.

Madilim at tahimik ang campus kapag gabi at ito ang aking paraiso sa gitna ng ingay at gulo ng paligid.

Ngunit tulad ng maraming bagay, malaki na ang pinagbago ng UP. Marami na ang naglaho at nawala. Hindi ko na alam kung saan makakabili ng yosi sa UP. Nawala na ang mga maliliit na tindahan ng sigarilyo, softdrinks at Blue book. Nawala nadin ang mga estudyanteng naglalakad sa Sunken garden at naghuhuntahan hanggang abutan ng bukang-liwayway.

Iba na talaga ang UP ngayon. Hindi na ito katulad ng unibersidad na kinagisnan ko. Ang Peyups na nakilala ko ay maingay, masaya at puno ng pagasa.

Dito nahubog ang aking mga pangarap. Dito din ako natutong mag-drive, magsulat, mag-yosi at magmahal.

Dumaan ako sa Vinzon's Hall kagabi. Nakakabingi ang katahimikan. Hindi ito tulad ng dati. Naalala ko ang iba't ibang karanasan ko sa lugar na ito.

Doon sa ika-apat na palapag, sa opisina ng Kule nahubog ang pangarap kong maging dyarista.

Doon din sa Vinzon's Hall ko naranasan kung gaano kasakit maiwanan ng mahal sa buhay.

Sa Sunken Garden naman, naalala ko ang mga gabing kakwentuhan ang isang kaibigan at kadamay sa buhay hanggang sa pagsapit ng araw. Halos walang tao sa Sunken Garden kagabi nang dumaan ako pwera sa dalawang UP pulis na mahigpit na pinatutupad ang curfew.

Siya nga pala, may curfew na sa dating malayang campus.

Marami na nga ang nagbago sa Peyups kasabay ng paglipas ng panahon. Maraming bagay ang hindi na maibabalik. Maraming panahon ang hindi na mababalikan.