Sana pinapabasa ka nila ng dyaryo.
Sana umabot sayo ang mensaheng ito.
Alam naming mahirap ang sitwasyon mo
ngayon. Alam din namin na nagaalala ka
sa pamilya. Ayos ang mag-ina. Matibay na
hinaharap ng mag-uutol ang sitwasyon. At
bibilib ka sa husay ni moms. Magu-gulat
ka sa dami ng suporta. Kasama ang mga
kaibigan, sama-sama naming hinaharap ang
struggle na to.
Naalala mo nung kinulong si erpats, di
natinag ang pamilya. Ngayon sa krisis na
hinaharap natin lalong di matitinag ang
pamilya. Huwag kang magalit na
kinukwento namin sa mga kaibigan ang
pagkain mo ng tutubi, ang pagiging
pasaway mo nung bata ka pa. Kasi
kailangan nila malaman na tao ka at di
hayop tulad ng ginawa ng mga dumukot sayo.
Gusto ko lang sabihin sa'yo na tibayan
mo ang loob mo. Tandaan mo na ang iyong
paniniwala at paninindigan ay para sa
nakakarami. Masmahusay at masmatapang ka
sa mga may hawak sayo. Mga duwag at
traydor ang dumukot sayo. Kung anuman
ang ginagawa sayo para balewalain ang
pagkatao mo ay alam mong mas tao ka
kaysa sa pinapamukha nila sayo. Tibayan
mo ang loob mo dahil nasa tama kang
paninindigan. Huwag na huwag kang
mag-aalala sa min. Ayos kami. At
pinagyayabang ka namin. Isa kang
mabuting tao at sinisigaw naming yan sa
buong mundo.
Konting tiis pa tol at magkakasama
nating titingnan ang pagsikat ng araw!
Para sa bayan!!! At para sa lahat ng
biktima ng paglabag ng karapatang pantao!!!
JL
Si JL Burgos ay nakababatang kapatid ni
Jay-Jay at isa sa mga unang naging miyembro ng UGAT Lahi. Siya ay isang visual artist at video editor. Isa sa mga walang sawang nakikiisa, tumutulong at nakikibahagi sa pagsisimula ng tutoK karapatan.
Si jay-jay ay si Jonas Burgos. Anak ng yumaong Jose Burgos tagapagtatag ng We Forum at Malaya newspaper mga independenteng puklikasyon ng panahon ng diktaduryang Marcos. Pinaniniwalaang dinukot ng elemento ng militar nuong Abril 28 2007 sa Ever Gotesco Mall sa Commonwealth si Jonas.